【NEW】Q&A: Kung gagawin ko sa pinagtatrabahuhan kong kumpanya ang "年末調整(ねんまつちょうせい)" o year-end adjustment, hindi ko na ba kailangang mag-file pa ng "確定申告(かくていしんこく)" o tax return? (会社で年末調整をすれば、自分で確定申告をしなくてもいいですか?)
2024.11.26
Q:
Kung gagawin ko sa pinagtatrabahuhan kong kumpanya ang "年末調整(ねんまつちょうせい)" o year-end adjustment, hindi ko na ba kailangang mag-file pa ng "確定申告(かくていしんこく)" o tax return?
A:
Ang pagsasaayos ng year-end adjustment at ng tax return, ay parehong pamamaraan
na nauugnay sa buwis sa iyong kita. Ang pangunahing pagkakaiba ay ang pagsasaayos
ng year-end adjustment ay isang pamamaraan na isinasagawa ng kumpanya upang
ayusin ang anumang labis o kakulangan sa buwis sa kita, samantalang ang tax
declaration ay pamamaraan na isinasagawa ng mismong nagbabayad ng buwis sa
kanyang sarili upang matukoy ang halaga ng kita sa buwis na dapat bayaran.
Ang buwis sa kita para sa mga swelduhang empleyado ay kinakaltas (binabawas) sa kanilang buwanang sweldo o bonus at direktang binabayaran ng kumpanyang kanilang pinagtatrabahuan para sa kanila. Gayunpaman, ang buwis sa kita na binawas sa sweldo o bonus ay isang tinatayang halaga lamang at hindi ang tamang halaga ng buwis na babayaran. Dahil dito, kinakalkula ng kumpanya ang halaga ng indibidwal na buwis sa kita kapag naisuma na ang kabuoan ng isang taong suweldo, at aayusin ng kumpanya ang diperensiya sa kinaltas na buwis mula sa kita. Kung lumabis ang halaga ng binayarang buwis mula sa kita, ang halagang ito ay ibabalik sa indibidwal. Kung ang halagang binayad naman ay hindi sapat, ay nararapat na bayaran ang karagdagang halaga. Ang pamamaraan na ito ay ang pagsasaayos sa year-end adjustment.
Ang pag-file ng tax return ay isang pamamaraan na isinasagawa mismo ng taong nagbabayad ng buwis upang malaman ang halaga ng income tax na babayaran mula sa isang taon kita. Ang pangunahing nagpa-file ng tax return ay ang mga taong nagmamay-ari ng sariling negosyo na kumikita at ang mga taong kumikita sa不動産所得(ふどうさんしょとく) *1 o real estate.
Kung angkop ang alinman sa mga sumusunod, kailangan ring mag-file ng tax return kahit na isinasagawa ang pagsasaayos ng year-end adjustment.
- Tumatanggap ng sweldo mula sa dalawa (2) o higit pang pinagtatrabahuan
- Ang kita mula sa side job o ibang trabaho ay lagpas sa 200,000 yen
- Nagbago ang iyong pinapasukang trabaho sa kalagitnaan ng taon at ang kita mula sa nakaraang trabaho ay hindi nakadeklara sa year-end adjustment
- Mayroong kinita sa pagbebenta ng real estate
Bukod dito, mas mainam na mag-file ng tax return kung angkop ang alinman sa mga sumusunod:
- Nagbabayad ng mga ふるさと納税(ふるさとのうぜい)*2 o buwis sa bayan sa 6 o higit pang munisipalidad
- Tatanggap ng住宅借入金等特別控除(じゅうたくかりいれきんとうとくべつこうじょ) (Espesyal na pagbabawas para sa mga pautang sa pabahay)*3, sa unang pagkakataon
- Nais na makatanggap ng pagbabawas na hindi maaaring isagawa sa year-end tax adjustment, tulad ng pagbabawas sa medikal na gastusin
Kung mas nais ninyong malaman ang mga detalye tungkol sa year-end adjustment at tax return na may kinalaman sa income tax, ay sumangguni po lamang sa pinakamalapit na opisina ng buwis na malapit sa inyong tirahan.
■ Opisina ng Buwis sa Aichi Prefecture
https://www.nta.go.jp/about/organization/nagoya/location/aichi.htm
*1. 不動産所得(ふどうさんしょとく)
Ito ay tumutukoy sa kinita mula sa pagpapautang (loan), at iba pa sa real estate tulad ng lupa, gusali, at iba pa.
*2. ふるさと納税(ふるさとのうぜい)
Ang sistemang ito ay nagpapahintulot upang kayo ay makapagbigay ng donasyon sa lokal na munisipalidad na nais ninyong suportahan.Sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon, ay maaaring makatanggap ng kabawasan sa resident tax o refund ng buwis mula sa kita.
*3. 住宅借入金等特別控除(じゅうたくかりいれきんとうとくべつこうじょ)
Kapag ang isang indibidwal ay gumamit ng loan upang makapagtayo o magkaroon ng bagong bahay, o iba pa, ang aplikasyon ay maaaring gawin kung ang ilan sa mga kondisyon ay umaangkop o natutugunan.