【NEW】Nakatira ako sa Lungsod ng Nagoya. Anong uri ng pagsusuring pangkalusugan (Kenko Shindan) ang maaari kong matanggap? (名古屋市に住んでいます。どんな健康診断(Kenko Shindan)が受けられますか? )
2025.07.29
Q:
Nakatira ako sa Lungsod ng Nagoya. Anong uri ng pagsusuring pangkalusugan (Kenko Shindan) ang maaari kong matanggap?
A:
Ang uri ng pagsusuring pangkalusugan at ang mga kailangang proseso sa pagpasuri ay karaniwang nagkakaiba depende sa uri ng trabaho, tulad ng kung ikaw ay isang empleyado ng kumpanya o isang self-employed.
【Para sa mga empleyado (mga taong nagtatrabaho sa isang kumpanya, atbp.)】
Sa Japan, magiging miyembro ng "Shakai Hoken" o Social Insurance System (na kinabibilangan ng mga iba't ibang uri tulad ng Kyōkai Kenpō, Health Insurance Associations, at Mutual Aid Associations, atbp).
Sa ganitong kaso...
①Ayon sa batas, kinakailangang sumailalim sa isang taunang pagsusuring pangkalusugan ang bawat empleyado (mga regular na empleyado).
② Ang kumpanya ay may obligasyong ipasuri ang kalusugan ng kanilang mga empleyado isang beses sa isang taon.
*Ngunit, para sa mga non-regular na empleyado (tulad ng mga part-timer o contractual workers), may mga kundisyon, kaya mahalagang kumpirmahin ito sa kumpanya.
<Mga Hakbang Bago Sumailalim sa Pagsusuring Pangkalusugan>
①Magkakaroon ng abiso mula sa kumpanyang iyong pinagtatrabahuhan tungkol sa pagsusuring pangkalusugan, kabilang ang impormasyon kung paano magpa-schedule o mag-apply para dito.
② Ayon sa tagubilin ng kumpanya, pipili ka ng ospital at uri ng pagsusuring pangkalusugan na nais. Para sa mga detalye, makipag-ugnayan nang direkta sa tagapangasiwa ng inyong kumpanya.
【Para sa mga self-employed o freelancer】
・Karaniwang sumasali sila sa sistemang pangkalusugan ng Japan na tinatawag na "Kokumin Kenkō Hoken" o National Health Insurance.
Sa ganitong kaso...
・Ang pagsusuring pangkalusugan ay hindi obligasyon. Kaya kung nais mong sumailalim sa pagsusuring pangkalusugan, kailangan mong ikaw mismo ang magpa-schedule o mag-apply.
<Mga Hakbang Bago Sumailalim sa Pagsusuring Pangkalusugan>
①Ang mga taong sakop nito ay makakatanggap ng abiso tungkol sa pagsusuring pangkalusugan (ipinapadala ng Lungsod ng Nagoya sa pamamagitan ng koreo isang beses kada taon ang "Jushinken" [Health Check-up Voucher] at isang polyeto ng impormasyon tungkol sa pagsusuring pangkalusugan). Ito ay karaniwang para sa mga may edad 40 pataas.
② Magpapasya ka kung sasailalim ka ba sa medical check-up na isinasagawa nang sama-sama (group check-up) o hindi.
・Kung nais magpasuring pangkalusugan sa Group Health Check-up ("集団(しゅうだん)健(けん)診(しん):Shudan Kenshin"):
Magparehistro sa Group Health Check-up Reservation Office nang maaga. (Maaaring tumawag [sa wikang Hapon]: 052-211-8655, o bisitahin ang website [wikang Hapon]: https://www.mrso.jp/gov/aichi/nagoya-naka/index/)
・Kung nais sumailalim sa pagsusuring pangkalusugan bilang indibidwal at hindi sa pamamagitan ng isang grupo:
Pumili ng ospital mula sa listahan ng mga institusyong medikal na nakalista sa "Gabay sa Pagsusuring Pangkalusugan (polyeto)" na kasamang ipinadala sa koreo. Pagkatapos, tumawag sa napiling ospital upang magpareserba.
※ Siguraduhing sabihin ang pangalan ng uri ng check-up na nais sa oras ng pagpareserba.
③Sa araw ng pagsusuring pangkalusugan o health check-up, dapat dalhin ang appointment slip (na ipinadala sa iyo sa pamamagitan ng koreo bilang item ①) at ang iyong health insurance card.
★Kung mayroon kang mga katanungan, mangyaring makipag-ugnayan sa Nagoya Health Check-up Inquiry Center (052-253-8801 - wikang Hapon lamang).
★Kung nahihirapan kang makipag-usap sa wikang Hapon para sa mga reservation o katanungan, maaari mong gamitin ang Trio Phone ng Nagoya International Center. Para sa karagdagang detalye tungkol sa Trio Phone, mangyaring tingnan dito→ Pampublikong Serbisyo para sa nangangailangan ng Interpreter | NIC Filipino(Nagoya International Center)
【Para sa mga nakatira sa Nagoya City, maaaring magpa-checkup para sa kanser sa halagang 500 yen o libre】
Para sa mga nakatira sa lungsod ng Nagoya, maaari kang makatanggap ng pagsusuri sa kanser (cancer screening) sa halagang 500 yen lamang o libre.
Mayroong dalawang uri ng programa na isinasagawa ng lungsod ng Nagoya upang hikayatin ang mga mamamayan na magpacheck-up. Ipinapadala ang mga paalala sa pamamagitan ng koreo.
Bagaman may mga kundisyon tulad ng edad na kailangang matugunan, kahit naka-enroll ka sa social insurance o national health insurance, maaari ka pa ring makinabang sa mga pagsusuring ito.
<One Coin na Cancer Screening>
・Maaari kang sumailalim sa bawat uri ng cancer screening sa halagang 500 yen bawat item kada taon.
・Maaari itong gawin taun-taon, ngunit kailangan mong sariling alamin kung aling uri ng pagsusuri ang maaari mong tanggapin at ikaw mismo ang magpa-appointment.
<Libreng Coupon>
・Maaaring kumuha ng libreng pagsusuri ng kanser ang mga kwalipikado.
・Kapag umabot ka sa karampatang edad, makakatanggap ka ng libreng coupon mula sa Nagoya City na ipapadala mula Hunyo. Kung nais mong kumuha ng pagsusuri, kailangang magparehistro.
・Maaaring makakuha ng libreng pagsusuri isang beses lamang sa itinakdang edad. Hindi maaaring makakuha taun-taon.
★ Maaaring alamin sa website kung anong uri ng pagsusuri ang maaaring makuha (sa Japanese): https://758kenshin.city.nagoya.jp/
【Kapag ikaw ay umabot ng 75 taong gulang... Magkakaroon ka ng "Sistemang Medikal para sa mga Senior Citizen"】
・Kapag ikaw ay umabot ng 75 taong gulang, ikaw ay awtomatikong lilipat sa sistemang medikal para sa mga senior citizen, kahit ikaw ay miyembro ng "Social Insurance" o "National Health Insurance."
・Kapag ikaw ay naging kwalipikado, magpapadala ang lungsod ng Nagoya ng abiso para sa "Medikal Check-Up para sa mga Senior Citizen" (kasama ang "Voucher" at "Patnubay para sa Check-Up [Polyeto]") sa pamamagitan ng koreo.
・Sundin ang mga tagubilin sa abiso upang mag-apply para sa iyong medikal na pagsusuri.
★ Kung kailangan mo ng karagdagang impormasyon o may hindi malinaw, makipag-ugnayan sa Nagoya Health Check-Inquiry Center (052-253-8801: Nihongo lamang).




